ANG GAMPANIN SA PAGSASABATAS NG SANGGUNIANG BAYAN

Ang Sangguniang Bayan, bilang pambatasang kapulungan ng Munisipalidad, ay tumutupad sa kapangyarihan at tungkulin nito na isinasaad sa Batas ng Republika Bilang 7160, na higit na kilala bilang ang “Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991” at iba pang mga batas at alituntunin. Pangunahing gampanin ng bawat isa sa kanila ay humubog at magpatibay ng mga panukalang batas na epektibong tumutugon sa mga pangangailangang panlipunan, pampulitika, at pang-ekonomiya ng mamamayan.

SALALAYANG PRINSIPYO NG PANUNUNGKULAN NG SANGGUNIANG BAYAN

Pananaw ng Sangguniang Bayan

Pananaw ng kasalukuyang Sangguniang Bayan ang maging mapaglahok, moderno at produktibong Sangguniang Bayan na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan tungo sa progresibong bayan, na tinutugayagayan ng Serbisyong Maaasahan, Mapagkakatiwalaan, at Mabilisang Aksiyon.

Tungkulin ng Sangguniang Bayan

Mag-akda ng mga Ordinansa at Kapasiyahan na napapanahon, akma at tumutugon sa pangangailangan at nangangalaga sa kapakanan ng mamamayang Bustosenyo at iba’t ibang sektor ng lipunan sa pamamagitan ng epektibo at sistematikong pagsasabatas ng mga programa at patakaran, kaakibat ang isinusulong ng Ehekutibong Sangay ng lokal na pamahalan.

MGA KATUWANG NG SANGGUNIANG BAYAN SA PAGSASABATAS

Sa pagsasakatuparan ng gampanin sa pagsasabatas, buong pakikipagkaisa ang Sangguniang Bayan sa iba’t ibang sektor at institusyon. Ang pagpapanukala at pagpapatibay ng mga batas ay isang kolektibong gawain na nangangailangan ng pananaw at pakikilahok ng bawat isang nilalang sa bayan. Ito ay batay sa prinsipyong ang pamamahala ay para sa mamamayan, at dapat na kasama sila sa paghubog nito:

  • Mga Pambayang Kapulungan (Local Councils and Special Bodies)
  • Sila ang mga kinatawan ng iba’t ibang sangay at pampublikong institusyon sa loob ng Munisipalidad, na magbibigay ng mahalagang kabatiran at pananaw sa pagbalangkas ng mga batas. Sa kanila humihingi ang Sangguniang Bayan ng tulong at impormasyon upang mas maging matibay ang kanilang mga panukala. Ang kanilang pagdalo sa mga pulong at pagbabahagi ng kaalaman ay mahalaga upang masiguro na ang mga batas ay sumasalamin sa pangangailangan ng iba’t ibang bahagi ng lipunan at alinsunod sa mga umiiral na patakaran ng iba pang ahensiya.

  • Mga Pinuno ng Kagawaran at Tanggapan
  • Bilang mga tagapagpatupad ng mga paglilingkod at palatuntunan ng Pamahalaang Bayan, ang kanilang kaalaman sa pagpapatakbo at pagsasakatuparan ay mahalaga sa paglikha ng mga praktikal at mabisang kautusan. Ang kanilang karanasan sa araw-araw na operasyon ay isinasaalang-alang ng Sangguniang Bayan. Sila ang nagbibigay-linaw sa mga teknikal na aspekto ng mga panukala, nagbibigay ng mga datos ukol sa epekto ng mga batas sa serbisyo, at nagmumungkahi ng mga paraan upang mas maging episyente ang pagpapatupad.

  • Mga Sangguniang Barangay
  • Sila ang pinakamalapit na ahensiya ng pamahalaan sa mamamayan. Ang kanilang pagdalo sa mga sesyon at pagpapahayag ng mga lokal na pangangailangan ay magiging sandigan ng mga pambayang batas. Ang kanilang kaalaman sa mga partikular na isyu ng bawat purok ay mahalaga sa pagtugon sa mga ito. Sila ang direktang nakakakita at nakararanas ng mga suliranin sa komunidad, kaya’t ang kanilang pananaw ay mahalaga sa paglikha ng mga batas na tunay na makapagbibigay-solusyon sa mga problemang kinakaharap ng mga Bustosenyo.

  • Mga Kinatawan ng Sektor at mga Kinilalang Samahang-Bayan (Sectoral Representatives and Accredited Civil Society Organizations (CSOs)
  • Ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan at ang mga samahang-di-pamahalaan, bilang mga boses ng kanilang mga nasasakupan, ay mahalaga upang matiyak na ang bawat batas ay mapaglahok at tumutugon sa iba’t ibang pangangailangan. Aktibo silang kinikilala at isinasama ng Sangguniang Bayan sa kanilang mga talakayan. Ang kanilang presensya sa mga komite bilang “Kalahok na Tagamatyag” ay nagpapatibay sa prinsipyo ng bukas na pamamahala at nagbibigay-daan sa malawakang paglahok ng iba’t ibang boses sa proseso ng pagsasabatas.

  • Mga Mamamayan
  • Sila ang pinagmumulan ng kapangyarihan at ang pangunahing benepisyaryo ng lahat ng batas. Ang kanilang mga hinaing, mungkahi, at masigasig na pakikilahok sa mga pampublikong konsultasyon ay magbibigay-hugis sa bawat kautusan. Sila ang pinaglilingkuran at pinakikinggan ng Sangguniang Bayan. Ang kanilang aktibong paglahok sa “Oras ng Mamamayan” at sa mga digital na plataporma para sa pagsumite ng mungkahi ay mahalaga sa paglikha ng mga batas na tunay na para sa ikabubuti ng karamihan.

  • Mga Pambansang Ahensya
  • Ang mga ahensya ng Pambansang Pamahalaan ay mahalaga sa pagtiyak na ang mga lokal na batas ay naaayon sa mga pambansang patakaran at batas, at sa pagbibigay ng teknikal na tulong at suporta. Nakikipag-ugnayan ang Sangguniang Bayan sa kanila upang masiguro ang pagkakahanay ng mga programa. Ang kanilang paggabay at pakikipagtulungan ay nagtitiyak na ang mga lokal na hakbangin ay naaayon sa mas malawak na pambansang direksyon, na nagpapahusay sa pagiging episyente at epektibo ng mga batas.